Friday, August 30, 2013

Backpack Series: The Tunnel Experience!

Isang araw sa site... isang araw kung saan kasama ko ang backpack ko doing our daily routine of site inspection. Naglalaman ito ng mga papel at sketches at kung ano-anong panukat at scales at higit sa lahat ang SLR Nikon D3100 (official camera ng project namin).

Sakbit ang backpack sa aking likod, binaybay ko ang kainitan mula sa caravan office papuntang Sahara Center kung saan nasa loob neto ang aming proyekto. Braving the hot temperature outside, wala kaming choice ni Backpack kundi ang maglakad ng mabilis para hindi maluto sa ilalim ng nagbabagang araw.

The Caravan Office: Our Site Office behind the G.I sheet Fence.


Opposite Side of our Site Office is the Sahara Mall,
in between is a vacant lot
Approximately 150 meters bago ka makarating sa loob ng Mall, pawisan na ko sa tindi ng init. Ang mahirap pa neto, sasalubungin ka agad ng malamig na hangin galing sa aircon ng Mall. Sakit kaya ang aabutin ko? Sanayan lang din naman.

Hindi naman ako nagrereklamo ng lagay na yan. Marami sa iba nating kababayan dito ay may mas mahirap pa na sitwasyon. Ang kaunting lakad sa initan papunta sa malamig na mall ay balewala lamang. At nagpatuloy ang experience namin ni Backpack, na hindi rin makareklamo na naging sanggalang ko pansamantala para hindi mainitan ang aking likuran.

Pagdating sa site... ito ang aking nadatnan... Nagsisimula na palang matapos ang temporary tunnel-like pathwalk connecting the old and new mall.

At gumana na naman aking imahinasyon patungkol sa mga bagay-bagay at pangyayari na may kinalaman sa ating buhay paglalakbay. Halina kayo at samahan nyo ako na pasukin ang madilim at makipot na daan... na tinawag kong:

Tunnel Experience!

The Entrance!
Maraming dahilan kung bakit kailangang dumaan sa tunnel na ito. Magdadalawang isip ka kung papasok ka ba o hindi na lang. Hindi kaaya-aya ang pasukan at ang isiping mahirap na sitwasyon sa loob nito. Regardless kung ano man ang iyong dahilan para pasukin ito, there is a part in our journey called life, na madadaanan at mararananasan natin ito sa ayaw man natin o hindi.

Ito yong mahirap na sitwasyon na maglalagay sa'yo sa alanganin. Pangyayaring magbibigay sayo ng pangamba at agam-agam kung kakayanin mo bang malagpasan ang isang mahirap na sitwasyon na ito. Anu't ano man, kailangan nating pumasok, at harapin ang hamon ng buhay.

The Inside!
Sa loob, mangangapa ka sa dilim, mangangamba sa kung anong naghihintay sayo. Maraming obstacles, maaari kang madapa, matalisod, mabangga, o matinik... pero what keeps you motivated para magpatuloy, ay ito:

The Light!
The light at end the end of the tunnel. Ito ang inaasam nating makita at marating. Ito yong dulo o katapusan ng pamamalagi mo sa dilim. Para tayong mga gamo-gamo na sabik na sabik makakita ng liwanag.

Depende sa sitwasyon ng bawat isa, iba-iba ang haba ng tunnel na ating lalakbayin. Sa iba, maaring maiksi lamang, ngunit sa ilan ay napakahaba na parang walang katapusan. Maaring sumuko na lang at huwag ng magpatuloy...

Ngunit may extreme cases na iba ang trip. Sila yong mga tinatawag na Tunnel Settlers. Sila yong mga hindi naman sumuko pero hindi rin nagpatuloy. Ang ginawa nila, they settled in... ayaw umabante, na-enjoy ang buhay sa tunnel, because they renovated the tunnel into a different level of experience. Paano? Silipin natin ang kanilang ginawa sa loob ng tunnel...

Modification Stage 1
Ito yong parte ng paglalakbay sa loob na na -realize nila na hindi na nila mararating yong dulo. So ang ginawa nila, they started changing the structure of the tunnel. Breaking some walls, do some painting to make it looks good. Similarly, parang narealize mo na sa hirap na iyong nararanasan, in-adapt mo na ang sitwasyon. Denying the fact na nasa mahirap kang kalagayan. You started creating a new happy facade sa buhay mo when in fact, sa realidad, tinakpan mo lang at hindi nasolusyunan.

Modification Stage 2

Then you began hiring people to clean up your own mess. Kung kasing yaman ka ni Janet Napoles, baka hindi lang dalawa o tatlong tao yang nasa picture. Naglilinis, nagpipintura at tinatakpan ang pangit na bahagi ng buhay mo. Total face lift kung baga. Overhauling your tunnel Experience... Is it a bad thing? or a good thing?

Modification Stage 3
Then, for you to make your own stay more comfortable, tinakpan mo ng carpet ang iyong tinatapakan. Bakit? Para sa sarili mong kapakanan at kaginhawaan. Kahit alam mong may maaapakan kang iba, wala kang pakialam. Kahit alam mong may masasagasaan kang kapwa travellers, sige ka lang ng sige.

The worst part is, you created your own artificial lighting. Ang ganda di ba? Naliwanagan ang dating madilim na tunnel. Pansamantala, dahil ang katotohanan ay hindi mapapasubalian na ang liwanag na ito ay hindi magtatagal.

Modification Stage 4
This is the last stage... the finish product. Voila! Ang ganda na ng tunnel mo. Kumpleto ka na, may artificial lighting, carpeted ang floor, well painted na walls at mga fire extinguisher in case of fire! Saan ka pa? And take note, meron naring ventilation at air conditining para mas kaaya-aya ang pag stay mo sa tunnel. Daig pa nito ang kulungan ni Janet Napoles... (let's wait and see kung mag-e-evolve din ng ganito ang selda nya).

So you created somehow an imaginary good place for you to settle in, inside the tunnel. At dito magsisimula ang mas malaking problema. You stop dreaming of a life at its best, dahil naka-program na sayo na "good life" na itong iyong kinalalagyan ngayon. Natatakot ka ng humakbang pasulong. Naging stagnant na ang buhay mo knowing that once you made another single step, everything will fall back into it's original state.

Pinaniwala mo ang sarili mo na okay na ang lahat. Pero behind all this is an ugly truth. Akala mo lang okay, pero hindi pa pala.

"Light at the end of the Tunnel" doesn't appeal to you anymore. Isa ka ng gamo-gamo na nawalan ng ganang tumingin at mamangha sa ilaw at sa isinasabog nitong liwanag.

Hindi mo na pinahalagahang ayusin anumang gusot sa pamilya dahil pinaniwala mo ang sarili mo na okay naman lahat dahil tinapalan mo sila ng salapi. Hindi ka na nagpursige na ituloy ang pangarap mong trabaho dahil nagtatamasa ka na ng limpak limpak na sweldo. Ayaw mo ng ipaglaban ang pag-ibig mo dahil natatakot kang ma-reject muli at nagkasya ka na lang sa panandaliang aliw na dulot ng fake na pag-ibig... (relate?) Ang iyong prinsipyo at paninindigan ay ibinasura mo na lang kapalit ng pansamantalang ginhawa. Na-compromise na ang lahat, nagkasya ka ng tumambay sa loob ng tunnel at mamuhay sa pagkukunwari. Ngunit sa totoo lang ay hungkag at may kulang sa iyong pagkatao.

Tandaan natin na ang tunnel na ito, is designed for us to go through, to pass through. It is a passing through that will makes us stronger once we reach the end. Hanggat hindi natin ito nalalampasan, mananatiling nakabukas ang chapter na ito ng buhay natin at kailaman ay hind magkakaroon ng closure. Hindi dapat huminto at hindi dapat mamalagi. Pwedeng magpahinga, pero pagkatapos non, kailangan mong lumargang muli. Sa bawat hakbang, sa bawat pag-usad o kung gumagapang ka man ngayon, asahan mong ito ang magdadala sayo papalapit sa dulo ng tunnel mo. It is not how fast your phasing is, it is your perseverance and a leap of faith that will leads you to reach till the end.      

The End of the Tunnel!

Your word is a lamp for my feet, a light on my path. (Psalm 119:105)

Nagpapagpag ng agiw, alikabok at sinasanay ang mata sa liwanag na dulot ng panibagong pag-asa...

Super M!

Saturday, August 24, 2013

Pipe Dream... Part 3

Credit to the owner of this Photo

"Ang magandang simula ay hindi nangangahulugan na maganda rin ang katapusan... at ang pangit na simula ay hindi basehan nang hindi magandang pagtatapos... ang mahalaga ay ang mga bagay na gagawin mo sa pagitan nang simula at wakas... mga bagay na magdadala sayo sa katuparan nang isang pangarap."

Para sa mga naghihintay ng kasunod nang Pipe Dream... malugod ko pong inihahandog sa inyo ang part 3! 

Medyo hindi naging maganda ang ending nong part 2 dahil nilangaw ito, una dahil mangilan ngilan lang ang nagbasa, pangalawa, dahil nag amoy ebak ang last part. Pagpasensyahan nyo na po. Babawi na lang ako dito sa part 3.

Ang pagpapatuloy...

First day ko sa bagong work and I'm so excited. Maraming naglalaro sa aking isipan kung anong klase ba ang work na ibibigay sa amin. Naiimagine ko din kung anong itsura ng magiging work station ko. May computer kaya o laptop? may drawers? Malaki kaya ang aking table? I was kinda daydreaming habang sakay ng dyip. Pinaghalong kaba at excitement ang aking nararamdaman ng mga oras na iyon. Magkakaalamanan maya maya lamang.

And so everyone who was hired that day ay nagkakatipon sa loob nang warehouse. Doon daw i-aanounce ang schedule at nature nang work namin. Again habang naghihintay sa HR, narinig ko na naman ang kalembang ng kampana at kasunod ay ang masigabong palakpakan. Ano ba kasi yon? Hindi naman sya scheduled bell, kundi randomly na pag may dumating eh kakalampagin ang kampana. 

Sa wakas, dumating din ang matagal naming hinihintay, ang pag-aanunsyo ng aming magiging kinabukasan. Sa hinaba haba ng sinabi nong HR, isa lang ang naintindihan ko. SALES! Sales, benta, tinda. Magbebenta o magtitinda daw kami. Hindi lang basta tinda, ilalako mo sya. Umalis nga ako sa pagtitinda ng donuts, sa pagtitinda pa rin ang bagsak ko.

Hindi naman sa minamaliit ko ang pagtitinda, marami ang yumaman sa pagtitinda. Sipag at tiyaga, baon ang matamis na dila, marami ang nagtatagumpay sa larangang ito. At itong ito rin ang pananalita na ginamit ko para subukang magtindang muli, but this time, ibang klase na ang aking itinitinda... ang aking katawan! Joke!

Nahati kami sa apat na grupo at nagbigay ng isang team leader na hahawak sa bawat grupo. Pagkatapos ng mabilisang pagpapakilala sa bawat isa, agad-agad na kaming sumakay sa mga jeep na nakaparada sa labas ng warehouse. Kaya pala maraming nakaparadang jeep doon sa harap. Ang buong akala ko ay may terminal don ng jeep. Maraming namamatay sa maling akala. Ukupado na ang kalahati ng jeep ng mga naglalakihang boxes, at ang kalahati ay kaming mga sales representative daw ang uupo. At habang lulan ng pampasaherong jeep na ngayon ay private na dahil isinara ang pintuang stainless sa pasukan, unti-unti ng naglalaho ang pangarap ng isang magarang opisina.

Katabi ang mga malalaking box sa masikip na dyipni, nagsimula ng mag explain ang team leader namin. Inilabas ang sampol na ititinda o tamang sabihin na ilalako namin. "Flashlight na 3 in 1" Hindi ko na matandaan ang iba pang features ng flashlight na yan. Basta ang alam ko, yan ang ititinda namin for this particular day. Finally, we reach our destination... Sa isang mataong lugar sa Quezon City. Kanya kanya na silang baba, bitbit ang sales kit at ilang mga panindang flashlight. Hesitant akong bumaba, malayo ang tinatakbo ng utak ko ng mga oras na iyon.

Ito ba ang klase ng trabaho na pinasok ko? Nagtapos ako sa colegio para magtinda ng flashlight? Nahihiya ako sa sarili ko, sa parents ko, sa mga kapatid ko, sa mga kakilala ko. Pano pag katok ko sa bawat pintuan ng bahay ay kakilala ko pala ang nakatira? Buti sana kung house and lot ang ititinda ko, o kaya kotse, or condo unit, pero hindi eh, flashlight ito. Flashlight na 3 in 1. Yan ang mga salit-salitang naglalaro sa utak ko. Hindi pa sana ako baba kundi lang ako tinawag na nong team leader namin.  

At nagkanya kanya na kaming pasok sa mga sanga-sangang kalsada, kumakatok sa bawat bahay, kumakausap sa mga tambay, pinapasok kahit anong sangay na madaanan. Kailangang may maibenta dahil kung hindi, wala kang porsyentong maiuuwi. Yes, tama kayo sa nabasa nyo. Walang fix na sahod, kailangan mong makabenta para sa kakarampot na bahagi ng iyong napagbentahan.

Pagod, masakit ang paa sa kakalakad, ang balikat ay bagsak na sa kahon-kahong pasan. Para sa kin, isang malaking achievement ang maka-survive sa unang araw na yon... at sa pagbalik sa warehouse na aming pinanggalingan... isang masayang kalembang ang pumukaw sa aking pagal na kaisipan.

Ang pagkalembang ay tanda na ikaw ang top seller sa araw na yon. Na nai-dispatch mo lahat ang iyong paninda at humigit ka pa sa quota na itinakda. Isang karapatang ibinigay sa mga taga-pagtinda na makakabenta ng malaki. Ang humataw sa bell na nasa gitna! Yon pala yon. Ngunit hindi naitaas ang aking kumpiyansa sa sariling magbenta sa kaalamang ito. Ang gusto ko lamang ay makauwi at makapahinga.

Pero ano nga ba ang uuwian ko? Makakapag pahinga ba ko sa inuupahan kong kwarto? Sa isiping yan, kahit sino ay hindi rin magiging excited na umuwi para magpahinga.

Bukas, babalik pa ba ako? Kaya ko pa ba? May lakas pa bang natitira sa akin at kapal ng mukha para magtinda?

At isang larawan ang nakikita ko, ang papel kung saan isinulat ko ang aking pangarap, ay nagmistulang nilamukos na...

Itutuloy...

Sa gitna ng kawalan ng pag-asa, kapit lang...
By Super M



Monday, August 19, 2013

Instant Coffee Break

Power Shut down sa Caravan Office namin kanina... just saying. Masaya lang ako kasi feeling rest day. Hindi makapag trabaho dahil nakadepende sa kuryente ang halos lahat nang bagay dito sa mundo. Which is a good thing kasi makakapagpahinga ako. Kaso, panandaliang aliw lamang ang nangyari... Ilang minuto pa lamang ang nakakalipas eh nag shoot up na ang temperature sa apat na sulok ng kwarto ko. The result? Pinagpawisan na naman ako ng butil-butil. Kaya ang ginawa ko para malamigan eh ito:

My Third... 

Instant Coffee  Break!

So, para malamigan, kailangan ko magkape. Yong mainit na kape. Looks Family ba? Empi of Kol Me Empi and Jun of Life and Spices  hahaha Kasi po tinatawanan ako ng dalawang panget na yan habang tumatagaktak ang pawis ko sa init eh umiinom ako ng mainit at napakasarap na  kapeng barako sa Caleruaga. Bakit ba? Wala namang rules na bawal uminom nang kape pag pinapawisan ka ah.

So inulit ko sya kanina, ang kaibahan lang eh sa Starbucks ako nagkape para medyo alam mo na. At ito ang napagtripan kong inumin at kainin! 


Kailangang buong tasa muna ang ipakita...


Tapos, medyo I zoom mo ang camera mo sa bandang taas ng mug...

Tapos i-focus mo ang camera mo sa ibabaw ng mug na kita na ang buong laman... 
Napansin mo ba ang special effect na gusto kong ipakita sa tatlong larawan? Kung hindi mo napansin, bahala ka hindi ko sasabihin! lels (tawa ni Otep of Libre lang ang Mangarap)

At ito ang kapartner nyan, ang masarap na cheese croissants, na napasobra yata ang init sa microwave dahil napaso ako sa unang kagat! (takaw kasi haha)

Masarap, mainit... sa unang kagat (Parang title nang ewan na movie)
Natapos ko nang inumin ang kape at lantakan ang croissants na ito ng mapatigil ako at mapaisip. Bigla kong na miss ang mga nakakapehan at naka-umpugang tasa ko sa mga coffeshop sa Pinas (bloggers and non-bloggers). Musta na kaya sila? Sana naaalala rin nila ako habang umiinom sila nang mainit at masarap na kape.....

Hanggang sa muling paghigop...
By Super M 

Sunday, August 11, 2013

Pipe Dream... Part 2


Photo Credit here

"Ang magandang simula ay hindi nangangahulugan na maganda rin ang katapusan... at ang pangit na simula ay hindi basehan nang hindi magandang pagtatapos... ang mahalaga ay ang mga bagay na gagawin mo sa pagitan nang simula at wakas... mga bagay na magdadala sayo sa katuparan nang isang pangarap."

Teka lang... kung hindi mo pa nabasa o binasa ang Pipe Dream... Part 1, pakibasa muna bago mo ituloy ang balak mong pagbabasa nang part 2. (Ang daming basa)

Book 1 part 2... Naks may ganyan? hahaha Part 2 lang po walang book! Feelingero lang. 

Saan ba ko huminto? Ah sa may Welcome Rotonda, sa Dunkin Donuts, holdapan at butas na monay (donuts)... Let's continue!

So yon nga, at natuloy ang balak kung pagre-resign sa Dunkin Donuts. Bakit kailangan kong mag resign sa DD? Hindi dahil sa isinulat ko sa papel, kundi dahil sa mga kadahilanang ito:

1. Kailangan ko nang medyo sosyal na trabaho, yong hindi crew, para naman di nakakahiya kay ex GF na taga Uste. 
2. Lumalaki ang pangangailangang pinansyal dahil ulet kay ex GF na taga Uste at syempre ulirang anak ako (di ba Nay?)
3. Ayoko na nang amoy donuts.
4. And last but not the least... para makaiwas na mapagbintangang kasabwat nang mga holdaper! hahaha.

And so I left and continue my journey... deeper and deeper into the wild forest of the City. Manila Bulletin ang aking karamay nang mga panahong ito. Katulong si ex GF sa pag scroll nang mga vacancy sa dyario, hanap, kaliwa at kanan sa Classified Ads. And Bingo! Wanted:_________. Bakit blanko? Wala kasing specific na positions, for sorting daw pagdating doon, magba-base daw sa qualifications at kung anong Degree of Education narating. Sounds Good! At eto pa, Please come in your business attire. Feels Good! So eto na, tinawagan ko, tanong-tanong kung pano pumunta at kung ano-ano pang other requirements ang kailangan.

Araw nang interview, todo porma si Super M, naka long sleeves na white, black slacks, black leather shoes at naka-kurbata pa nang dark gray na may slanting stripes na light gray and white sa katanghaliang tapat! Nakasampay lang sa aking balikat ang semi-formal na coat, just in case malamig aircon sa office. Naiimagine nyo ba? Poging-pogi! (Hindi po yan joke hahaha). Hindi ko alintana ang tagaktak ng pawis at basang kili-kili. Ang tanging layunin lang ay matanggap at magkaroon nang bagong trabaho. 

Pagdating doon, medyo nadis-appoint ako kasi para syang warehouse! Hindi pala parang, warehouse talaga. Maraming boxes, maraming tao, may foreigner, may pinoy, may chinese. At pila-pila ang delivery trucks! At kapansin-pansin ang bell sa gitna. Yong katamtamang laki nang kampana na inilagay sa gitna ng warehouse. Yong old school na bell, yong may lawit (lawit talaga?) na may tali. Paminsan-minsan may nag be-bell at nagpapalakpakan ang mga tao na parang nanalo sila sa lotto! Kala ko nga kalembang para sa breaktime yon, hindi pala. (I will expalin later bakit may ganyan)  

Interview portion na, at take note, ang dami naming aplikante! Pero kapansin-pansin na ang bilis-bilis lang nang interview. Parang lahat yata pasado. Natuwa ako nang slight kasi mukhang maraming vacancy at siguradong matatanggap ako. At tama kayo! Natanggap nga ako. Pinababalik kami lahat, yes lahat nang applikante eh natanggap, limampu yata kaming lahat na nag-apply. Konti lang no?  

Umuwi akong masaya, syempre! Ito na yata ang katuparan nang aking mga pangarap. Yahooo! Tawag kay ex GF para sabihin ang magandang balita! Wrong move! I-treat ko daw sya dahil may trabaho na akong bago! Patay na, mababawasan pa ang allowance ko. Di bale, babawian ko na lang sya after namin kumain! Sya naman kakainin ko! (joke!) (insert evil grin here) lol.

Later that day, naghanap na ko nang malilipatan na malapit sa place of work. Since wala talaga akong pang rent nang apartment, o condo unit, napadpad ako sa area nang Sampaloc. Bed spacer! Ito lang ang kaya nang bulsa, so be it. Choosy pa ba ko? Mula sa main road, papasok pa sa eskinitang pasikot-sikot, hanggang makarating sa dikit-dikit na bahayan. Yong parang makikita mo sa Header ng Blog ni Senyor Iskwater, ganong bahayan. Halos magkabungguan na ang balikat nang makakasalubong mo sa kitid nang daan.  And tadaaa! Ito? Ito ang kwarto na titirhan ko? Kwarto ba to? Isang maliit na silid, kahoy na tagpi-tagpi ang ang ding-ding na may pinturang asul (at least favorite color ko). Dalawang kama na gawa sa bakal na parang matetetano ka sa kalawang. Na pinatungan nang manipis na foam, isang unan at  sa taas neto ay may maliit na cabinet na gawa sa plywood. Kakaiba ang amoy. Parang galing sa nakulob na damit na di natuyo sa araw. Mainit, isang electric fan na maingay ang tunog na pag aagawan pa namin ni Room mate. Ukopado na yong isang kama, so dito ako sa kabila malamang.

First night, who said first night is the night to remember? Worst night of my life ko yata ito... di naman masyado. Ang hirap lang matulog. Malamok, wala akong kulambo. Pag nagkumot naman ako, mainit. At ang tatalino pa ng mga hinayupak na lamok na uhaw sa dugo. Kada ikot nong electricfan, inaatake nila parte nang katawan ko na di nahahanginan! At ramdam ko pa rin ang bakal na frame sa aking likuran. Ganito pala yong feeling nang pork chop na iniihaw. Kulang na lang may apoy sa ilalim ng kama. At  may sound effects pa. Lumalangit-ngit kada bibiling ako sa kaliwa at sa kanan. Panigurado, may guhit-guhit ang likod ko kinabukasan. Medyo lumamig lang ang paligid nang bumuhos ang ulan ng gabing iyon. At akoy nakatulog din sa wakas. 

So the night was over, only to be waken up by the splash of water. Tubig ba kamo? Tama, tubig baha! Kaya pala, kaya pala kinakalawang ang mga bakal na frame ng kamang ito ay dahil sa tubig baha. Hindi naman lagpas tuhod ang tubig. mga lagpas lang nang bukong bukong. Kaya pagbaba mo sa kama, tubig baha na ang maapakan mo. Okay lang sana kung tubig lang eh!!!!! Eh kaso meron pa! Meron pang iba na lumulutang, inaanod-anod, at sumasayaw-sayaw sa ibabaw nang tubig! Sinipat-sipat ko pang mabuti baka mali ako! Pero anak nang pitong kabayo, TAE nga! TAE!!!


Itutuloy ko pa ba? Gusto nyo pa bang malaman karugtong, kung anong nangyare sa aking Pipe Dream? Sige kayo, di nyo malalaman kung anong nakasulat sa papel! (nanakot pa hahaha) 
By Super M

Thursday, August 8, 2013

Pipe Dream... Part 1


Credit to the owner of this photo

"Ang magandang simula ay hindi nangangahulugan na maganda rin ang katapusan... at ang pangit na simula ay hindi basehan nang hindi magandang pagtatapos... ang mahalaga ay ang mga bagay na gagawin mo sa pagitan nang simula at wakas... mga bagay na magdadala sayo sa katuparan nang isang pangarap."

Nagsimula ang lahat sa isang kapirasong papel, ½ crosswise pad paper. Ito yong mga panahon na ang sarap amuyin ang bagong biling libro at papel. Panahon na ang bango bango para sa akin nang test paper during exams. Yan siguro ang rason kung bakit excited akong pumasok sa school noon. At di ko sukat akalain na sa isang kapirasong papel mabubuo ang pundasyon nang isang pangarap.

Ang magulong klase ng Grade Six ay biglang nanahimik. Kanya-kanyang isip kung ano ang maisusulat sa kapirasong papel. The Task? Isulat kung anong gusto mong maging 10 years from now. Kung ku-kwentahin, after college pa yon at mahaba-habang panahon pa ang aming gugugulin. At syempre may isinulat naman ako sa papel. Kung ano yon? Sekreto muna.

After High School, kailangan kong lumuwas nang Maynila para mag-aral sa kolehiyo. Takot at kaba para sa isang promdi na kagaya ko. Mabibilis daw ang sasakyan sa Maynila at maraming tao at nagtataasang building. Maraming kakatwa at mga nakakatawang pangyayari ang aking naranasan dahil sa pagka insosente sa maraming bagay. (di ko na ikwento lol) Mahirap mag adjust, mahirap makihalubilo, mahirap makipaglaban sa panibagong mundo na malayo sa nakasanayan mo. Imagine my delima. Ang tanging baon ko lang ay High School diploma, lakas nang loob at determinasyong maisakatuparan ang aking isinulat sa kapirasong papel.

Naging maayos naman ang buhay kolehiyo. Salamat sa Pamilya nang Tito ko na kumupkop sa akin at mabigyan nang espasyo sa kanilang tahanan, kahit sa totoo lang ay halos maagawan ko na nang pwesto ang mga pinsan ko. Ngunit walang pagrereklamo nila akong tinanggap at pinatuloy. 

Sa pagdaan nang mga araw, unti-unti ko nang nakakasanayan ang buhay sa siyudad. Ang buhay estudyante sa kolehiyo. Nakagawa rin naman ako kahit papano nang marka sa aming kurso. Naging presidente ako nang klase. Binago namin ang kalakaran. Hindi umubra sa amin ang mga professor na tamad magturo. We are tagged as "ibang klase" dahil we always ask for more. Ang maturuan nang wasto. Hindi lang doon, napasali din ako sa Student Council. May mga underground meetings kami kung paano higit na mapapasa-ayos ang kalakaran sa loob nang eskwelahan, kapakanan nang kapwa estudyante at karapatan nang bawat isa. Gaano man kaganda ang layunin, isa lang din naman ang tawag dyan. Aktibista.    

Masasabi kong I do well sa school. Hindi man ako yong tipong nag e- excel sa lahat nang mga studyante, naging paborito rin naman ako nang mga teachers ko sa Math, sa Algebra at Calculus dahil nakakakuha ako nang grade na uno! Hindi ko lang malaman hanggang sa ngayon kung saan ko pwede i apply ang calculus sa inaraw-araw na ginawa nang Diyos. Yong mga bulateng signs na yan at kung ano ano pa, para saan ba talaga yan? 

After College, hawak ko na ang kapirasong papel na aking isinulat... Mas maganda nga lang ngayon dahil parchment paper na at may magandang lettering. Diploma! Pero seguridad nga ba ang diploma para sa iyong pangarap? Oo nga't hawak mo na at maipagmamalaki ang pinaghirapan mong makamit, then what? Yes, naranasan ko yan. Ang kaba nang isang bagong graduate at naghahabol sa mga kumpanya para matanggap. Kulang na lang magmakaawa ka sa mga kapitalistang hanap ay "Experience

Mapalad pa rin ako dahil sa kumpanya na pinag OJThan ko eh natanggap ako. Being a nice person (???) inaya ko mga kaklase ko na doon din mag-apply. Ang siste, allowance lang at hindi totoong sweldo ang tatanggapin since mga bagong graduate daw kami. Nandamay pa ko no? Hindi ako tumagal, kailangan ko nang "Sweldo". Sino ba naman ang hindi? Kailangan kong mamili agad agad... ang kursong tinapos (na matagal antayin ang break na hanap) vs kumakalam na sikmura.

Iniwan ko muna sandali ang isinulat ko sa papel. Sabi ko sa sarili ko, pansamantala lang. Itinago ko muna ang pangarap na naisaulat sa loob nang overhead cabinet kasama ng mga sapot nang gagamba at agiw sa taas nang folding bed sa inuupahan kong dorm. 

Dunkin Donuts! Sa may welcome Rotonda, na sa pag kaka-alam ko eh wala na sya doon ngayon. Dyan ako nagtrabaho bilang crew. Gamit ang killer smile at nag-uumapaw na charm, aba naman, marami rin akong nabebenta, lalo na sa mga estudyante na tumatambay doon. Dito ko rin na meet ang first ever GF ko na sa UST nag-aaral (musta na kaya sya?) Ang kinikita ko doon ay sapat lang. Nakakabigay kahit papano nang allowance sa bunso kong kapatid. Okay na sana ang lahat kaso, nagkaroon nang sunod sunod na holdapan sa Store namin. 3 consecutive na holdapan? Tangay pati donation box para sa Orphanage. Walang patawad ang mga holdaper na ito na todo armado pa, kala mo naman bangko ang hoholdapin. At sa tatlong sunod-sunod na holdapan, eh saktong hindi ako lagi naka duty. Promise! Nagkataon lang talaga na day off ko yon! Wala akong kinalaman sa holdapan na yan! Wala talaga! Ang sama lang nang tingin nang bisor namin sa akin. 

Hindi rin ako nagtagal doon... Nakakasawa rin kasi na araw-araw, amoy donuts ka. Maging sa pagtulog eh puro "butas na monay" (donuts) napapanaginipan ko. Kahit anong laba ang gawin ko sa uniporme namin, amoy donuts pa rin. Dahil sa amoy? Na bored at gusto nang mas malaking sweldo. 


Itutuloy... abangan kung anong kasunod na trabaho ang pinasok ko (as if interesado kayo hahaha). 
By Super M

Friday, August 2, 2013

The NEXT BIG Things!

Poster Courtesy of www.paokun.net
Kita kits mga KKKs

Kapamilya, Kapuso, Kapanalig, Kakampi, Kaibigan, Kapatid, Kaututang Dila, Kasangga, Kasintahan, Katrabaho, Kakilala, Kabrasuhan, Kakiskisan at sa lahat nang may K (katabaan) ang puso na tumulong.

Tara na po at sama-samang magbigay saya at sigla at ngiti sa mga Kababayan natin na may K (Kakulangan) kahit sa simpleng tulong na ating maibibigay.

Aasahan ko kayo!
By Super M   
Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...