Thursday, January 24, 2013

Luha ng Pluma


Prologo…

Lumalalim na ang gabi! Isa-isa nang nagpapatay ng mga ilaw ang mga karatig kwarto sa loob ng isang lumang gusali, maliban sa isang silid sa pinakadulo ng pasilyo sa ika-apat na palapag. Naiilawan lamang ng isang lumang lampara na aandap-andap ang loob nito. Nagkalat ang mga gamit sa sahig, may mga basag na bote, karayom, kandila at iba pang mga kagamitan na animo pang medisina.  Tanging tunog lamang ng pagkiskis ng panulat sa kaawa-awang papel ang maririnig. Mariin, nagmamadali, walang habas ang kamay na walang awang sumusulat ng kanyang mga saloobin, hinaing at paghihirap… ang itim na tinta ay nahaluan na ng pulang likido na umaagos sa kanyang pulso…


Krinnnggggggggg!

Hindi mapakali si Popoy sa kanyang kinauupuan, malapit na ang kanilang pagsusulit ngunit hindi nya makita ang kanyang lapis. Halos baligtarin at itaktak na nya ang laman ng kanyang bag ngunit wala pa rin syang makita kahit isang lapis man lang.

“Ito ba ang hinahanap  mo?!” Si Mac, ang kakalase niyang pinakamalaki sa kanila. May katabaan itong taglay na maikukumpara mo sa isang barakong baboy na di mapakali at di hamak na mas matangkad sa kanilang lahat. Hawak-hawak ni Mac ang kanyang lapis at inihahagis palipat-lipat sa kanyang mga kamay.

”Lapis ko yan, nag-iisa na lang yan kaya ibigay mo na sa kin Mac…” mangiyak-ngiyak na wika ni Popoy.Tinangka nyang agawin ang lapis ngunit di nya maabot dahil agad itong itinaas ni Mac.

Makukuha mo lang ito kung ibibigay mo sa akin ang baon mo. Ikaw rin!! Wala kang lapis! Ang may pang-aasar pang wika ni Mac.

Nagdadalawang isip si Popoy kung ibibigay ba nya ang baon nya… “Di bale nang magutom… basta makuha ko lang lapis ko para sa pagsusulit…”

Ganyan! Madali ka naman palang kausap! Oh ayan na lapis mo… sabay malakas na binali ito at ibinigay kay Popoy… Bago tuluyang umalis si Mac, binantaan pa nya ito! At isang bigwas sa sikmura ang ibinigay nya kay Popoy bago nagmamadaling tumalikod.

Naiwan si Popoy na namimilipit sa tinamong suntok sa kanyang sikmura. Napaluhod sya sa panghihina…tahimik na lumuha…

Nanginginig ang katawan sa takot… habang mahigpit na hawak sa kanyang dalawang kamay ang putol na lapis… Sa kuyom na palad, inilabas ni Popoy ang kanyang hinagpis.     


Tik Tak To…

Popoy Payatot labas ang Kuyukot! Popoy Payatot labas ang Kuyukot! Ito ang maririnig na sigaw ng kanyang mga kaklase habang nag lalakad si Popoy sa pasilyo ng kanilang eskwelahan.

“Payatot! Takpan mo Kuyukot mo! Lampa-yatot!” May humahatak ng kanyang damit, halos masira na ang unipormeng luma na araw-araw nyang nilalabhan. May tumutulak sa kanya, may sumasabunot! Habang patuloy ang pagsigaw ng mga ito sa kanya!

Popoy Payatot! Labas ang kuyukot! Ang naririnig pa nyang pahabol na sigaw ng mga kaklase na nagtatawanan…

Yuko ang ulo, akap-akap ng mahigpit ang kanyang mga libro. Halos patakbo nyang tinungo ang tarangkahan ng kanilang eskwelahan. Wala s’yang ibang nasa isip kundi ang makaalis sa lupon ng mga estudyanteng nagkakatuwaan at walang ibang ginawa kundi sya ay paglaruan…

Lakad, takbo… gusto nyang takasan ang pangungutya ng mga kaklase.
Lakad, takbo…kahit walang kasiguruhan kung saan sya tutungo.
Lakad, takbo… habang nakatakip ang kanyang mga kamay sa kanyang tenga, di alintana ang mga nakakasalubong nya sa daan. Hanggang abutin sya nang pagod sa paglalakad at napaupo sa bangketa.

Tahimik na namang umiiyak si Popoy, walang malakas na pagtangis, tanging pagpatak lang ng luha sa kanyang mga mata ang palatandaan na ito ay naghihinagpis.

Nanginginig ang katawan sa takot… habang mahigpit na hawak sa kanyang dalawang kamay ang nilamukos na papel… Sa kuyom na palad, inilabas ni Popoy ang kanyang hinagpis.


Ding! Dong!!!   

Puta ka Popoy! Puta ka! Ahhhh….Puta kang bata ka!!!! Ito ang lumalabas sa bibig nang baklang guro ni Popoy habang patuloy sya nitong ginagahasa. Halos panawan sya ng ulirat sa pambababoy nang inakala nyang magtatanggol sa kanya. Mala-demonyong hayok sa laman ang nagpapasasa sa kanyang murang katawan.

Kung alam lang ni Popoy na ganito ang kasasapitan nya, hindi na sana sya humingi ng tulong dito. Hindi na sana sya kumatok sa pintuan ng opisina ni Ginoong Moreno para magsumbong ng kanyang kalagayan.

Hindi ka magsusumbong Popoy sa kahit sino, tandaan mo yan!!! Tatanggalin ko sa paninilbihan sa akin ang nanay mo at sisiguraduhin kong sira ang reputasyon nya na wala nang gustong magtiwala sa kanya, sa inyo! Pupulutin kayo sa kangkungan at lansangan pag nagsumbong ka! Kaya manahimik ka na lang!!!  

Umaagos sa binti ni Popoy ang dugo dahil sa napunit na laman sa kanyang likuran. Luha at sipon ay naghalo na dahil sa pahirap na kanyang natamo… Wala syang magawa, hindi kaya ng utak nyang tanggapin ang mga nangyayari sa kanya…    

Nanginginig ang katawan sa takot… habang mahigpit na hawak sa kanyang dalawang kamay ang nilamukos na papel at putol na lapis… Sa kuyom na palad, inilabas ni Popoy ang kanyang hinagpis.
     
Nag-iisa, laging malungkot, walang kasama, walang gustong makipagkaibigan. Nabalot ng tila maiitim na usok ang kabataan ni Popoy. Tuluyan na niyang isinara ang kanyang sarili sa mga taong nakapaligid sa kanya. Hanggang ang buong mundo ni Popoy ay nabalot na ng dilim…

Wala nang Popoy na makikita sa eskwelahan, wala nang Popoy na namimilipit sa daan sa bugbog na natamo sa kaklaseng si Mac, wala ng maririnig na sigawan ng pang aalipusta ang aalingawngaw sa bulwagan ng kanilang eskwelahan at higit sa lahat, wala ng Popoy na pagsasamantalahan.


Tenement…

Isang gusaling ipinatayo ng Gobyerno para sa mahihirap. Siksikan, marumi ang paligid… maya’t maya ay may nagtatapon ng tubig sa bintana. Maraming nakasampay na damit sa gilid ng pasimano… nagmukhang parang banderitas sa piyestahan ang dating magarang gusali. Iba’t –ibang tao, kanya-kanya ng pinagkakaabalahan… bawa’t isa ay may sariling mundo na ginagalawan.

Sa ikaapat na palapag ng gusali ay may isang bakanteng kwarto sa dulo ng pasilyo na kinatatakutan. Walang umuupa o yong iba na sumubok ay hindi nagtagal. Marami daw kababalaghan at katatakutan ang kanilang naranasan kaya walang tumatagal sa kwartong ito. Maliban sa isang nilalang…

Hapis ang mukha… ang mata na halos napapaligiran ng maitim na marka tanda ng kakulangan ng tulog ay nag-aapoy sa galit, buto’t balat na halos sa nipis ang kanyang katawan… Ngunit may lakas na nag-uumigting, gigil na gustong kumawala at maghiganti!
Isang piping saksi ang apat na sulok ng kwartong iyon sa krimen na magaganap.

Isang matabang batang lalaki, nakataling parang baboy na lilitsunin. May pasak ng maruming basahan sa bibig. Nanalalaki ang mata sa takot, sa gulat sa taong nasa kanyang harapan ngayon… Pinilit na kumawala ni Mac sa pagkakatali ngunit napakahigpit nito. Sinubukan nyang magpagulong-gulong sa sementong nasasapinan ng mga lumang peryodiko ngunit hindi sya makakilos.

Dahan-dahang lumapit sa kanya ang nilalang na kanina pa nagmamasid kay Mac. “Natatandaan mo pa ba ako Mac?” ang tanong nito na walang emosyon ngunit sapat upang maramdaman ang tinitimping galit.

Itinapat ng lalaki sa mukha ni Mac ang hawak nya sa kanyang kamay… “Ito Mac, natatandaan mo pa ba?” Sunod-sunod na tango ang ginawa ni Mac bilang tugon… putol na lapis… at isa-isang nagbalik sa kanyang ala-ala ang mga kasalanang ginawa… ngunit huli na para mag-sisi!

Sa isang iglap, nakatarak na sa kaliwang mata ni Mac ang kaputol ng lapis… “hmmp!! Hmmp!!! Ang daing nito habang sumisirit and dugo mula sa kanyang mata… 

Hindi pa sya nakakabawi sa sakit na nararamdaman ay muling naramdaman nyang unti-unting dinudukot ang kanyang kanang mata. Matinding pagpupumiglas ang ginawa ni Mac ngunit ang higpit ng tali ay di man lang natinag. Ilang sandali pa ay may gumugulong ng mata sa sahig.

“ahhmmp!! Hmmppp!!! Ahhhmpp!!! ang ungol ng unti-unting nawawalan ng lakas na si Mac… At hindi doon natatapos ang kanyang paghihirap.

Hawak ang isang bakal na pang dikdik ng yelo, inundayan ng saksak ng nilalang ang matabang katawan ni Mac. Sunod-sunod, walang humpay, sa bawa’t angat ng bakal ay syang pagtilamsik ng dugo ni Mac na kumakalat sa buong silid.

Nanginginig ang katawan sa galit… mahigpit ang hawak sa kapirasong bakal… at sa kuyom na palad, inihain ang paghihiganti.

Mariin, nagmamadali, walang habas ang kamay na walang awang sumusulat ng kanyang mga saloobin, hinaing at paghihirap…: Unang Kabanata!


Tambakan…

Isang bakanteng lote sa tabi ng Mataas na Paaralan ng San Vicente. Tapunan ng basura, pinaninirahan ng ibat-ibang insekto, tambayan ng mga adik sa gabi… masukal, matalahib, isang munting gubat sa siyudad na pinamumugaran ng kakaibang ahas… Ahas ng lipunan.

Nagising ang grupo ng limang kabataan sa buhos ng likido na pumapatak sa kanilang mukha. Dahil sa kalasingan at tama ng droga, wala silang lakas para bumangon. Bangag at dilat ang mata sa kawalan. Suot pa ang puting uniporme ng kanilang eskwelahan. Mistula silang buhay na patay sa kanilang kalagayan. Sa bawat buhos ng gasolina sa kanilang katawan, dagdag tama sa kanilang lutang na diwa.

Sa kakarampot na liwanag na nagmumula sa poste ng Meralco sa di kalayuan, maaaninag ang mukha ng nilalang.

Hapis ang mukha… ang mata na halos napapaligiran ng maitim na marka tanda ng kakulangan ng tulog ay nag-aapoy sa galit, buto’t balat na halos sa nipis ang kanyang katawan… Ngunit may lakas na nag-uumigting, gigil na gustong kumawala at maghiganti!

Dinukot ng nilalang sa kanyang bulsa ang nilamukos na papel at ang isang posporo. Habang sinisindihan nya ang papel, nauulinigan pa nya ang pangungutya ng limang kabataang nasa kanyang harapan, umaalingawngaw, at muling nanariwa ang nakaraan… 

Nagsimula ng magningas ang papel, tanda ng katuparan ng kanyang mga balak.

Iglap na kumalat ang apoy sa paligid, ang limang kabataan ay mabilis na nilamon ng apoy, nagpagulong-gulong silang parang alupihan na binuhusan ng asido, pakiwal-kiwal ang katawan, walang lakas para lumaban… 

Muli, narinig ng nilalang ang sigaw ng mga kabataang ito… hindi sigaw ng pangungutya at pag-alipusta kundi sigaw ng paghihirap at paghingi ng saklolo… ang tambakan ay nagmistulang maliit na impyerno, maamoy ang nasusunog na laman… ang palahaw at iyakan ay nilamon ng ingay ng mga sasakyan sa paligid at ng maingay na kantahan sa karaoke sa di kalayuan. Walang pakialam ang mga lasing at lango sa alak sa daan.

Nanginginig ang katawan sa galit… mahigpit ang hawak sa kapirasong papel… at sa kuyom na palad, inihain ang paghihiganti.

Mariin, nagmamadali, walang habas ang kamay na walang awang sumusulat ng kanyang mga saloobin, hinaing at paghihirap…: Ikalawang Kabanata!


Plaza…

Tagpuan ng mga nais maglaro, mamasyal at maglibang. Lugar kung saan halo-halo ang mga klase ng tao na makikita rito. May matandang nakaupo sa bangko na nakatingin sa malayo, wala namang tinatanaw. 

May mga naguumpukan at nagpupustahan sa larong dama. Mga kababaihan na naghuhuntahan habang pandalas ang pamamaypay. Mga kabataang nagpapasikat sa pagsirko na akala mo mga akrobat sa entablado. 

May nagtitinda ng sorbetes sa ilalim ng punong akasya. May nagtitinda rin ng lobo na makulay. Maging ang kaawa-awang sisiw na pininturahan ay di rin nakaligtas sa bentahan. 

At sa pinakasentro ng Plaza ay ang palaruang pambata. May duyan, siso, padulasan at bahay-bahayan. Napupuno ito ng tawanan at masasayang tagpo ng mga batang naglalaro dito.

Pag-sapit ng gabi, nag-iiba ang anyo ng Plaza Ibarra. Ang dating masayang tagpo ay napalitan ng manaka-nakang ingay ng mga kulisap at kuliglig. Ang mga taong kani-kanina lang na masayang nagtitipon ay unti-unting nawala na parang bula. Napalitan ng mga aninong gumagala sa dilim. Takot sa liwanag, nagkukubli sa mga sulok at gilid, kumakaway…sumusutsot.

Maging ang kalakal at bentahan ay nagbago rin. Pagsapit ng dilim, katawan, kaluluwa at laman ang ngayon nga ay nakahain. Sa tamang halaga, sa kakarampot na kita, nagkakatalo na. Maraming lihim ang Plaza Ibarra, lihim na nagkukubli sa dilim. Ngunit ngayong gabi ay kakaiba… Iba ang ihip ng hangin, maging ang mga kuliglig ay huminto sa kanilang pag-iingay. Tila napahiya sa maaring maganap maya-maya lamang.

Abala si Ginoong Moreno sa biktima nya ngayong gabi. Ito ang mga tipo nya, bata-batang, tahimik at misteryoso ang dating. Nagkasundo sila sa presyong pang sampung kilo ng bigas. At ngayon, handa nyang angkinin ang kapalit ng kwartang binitiwan.

Sa isang mabilis na kilos, swabeng swabe na gumuhit ang matalas na labaha sa lalamunan ni Ginoong Moreno. Napahawak sya sa sugat na inaagusan ng masaganang dugo. Sinubukan nyang magsalita ngunit walang lumabas na tinig sa biyak nyang lalamunan. Tanging tunog lamang ng hanging galing sa sugat sa kanyang leeg ang lumalabas dito. Parang manok na ginilitan, unti-unting nawalan ng lakas, sa mala gripong pag-agos ng dugo sa kanyang lalamunan.

Sa gitna ng dilim, kumislap ang matalim na labahang hawak ng nilalang. Handang manalasa, handang magpataw ng sugat na hihiwa sa kabuktutan ni Ginoong Moreno. Sa wasiwas ng kamay ng nilalang, katumbas nito ay ibayong sakit at parusa. Walang sinayang na sandali, ibinigay ng nilalang ang pang huling atake.

Walang buhay na tumumba si Ginoong Moreno, parang puno ng saging na tinagpas, nakahandusay, bumagsak at ini-ugoy ng pangbatang duyan.

Nanginginig ang katawan sa galit… mahigpit ang hawak sa labaha at sa kapirasong papel, pinunasan nya ang dugong nagmantsa… at sa kuyom na palad, inihain ang paghihiganti.

Mariin, nagmamadali, walang habas ang kamay na walang awang sumusulat ng kanyang mga saloobin, hinaing at paghihirap…: Ikatlong Kabanata!

Tahanan…

Isang istrukturang gawa ng tao… may dingding na gawa sa pinagtagpi-tagping karton. Bubungan na yari sa yerong butas-butas. Sahig na lumang kahoy na pinagdikit-dikit. May bintanang di-tukod at nakatali lamang, hagdanang kulang sa baytang at pintuang walang tarangkahan.

Sa loob nito ay may isang Ina na di mapakali, bakas sa mukha ang labis na paghihirap at pag-aalala. Naghihintay sa anak na halos isang lingo nang di umuuwi.

“Popoy, asan ka na… umuwi ka na anak!” Ang panaghoy ng isang Ina… Nakadungaw sa bintana, nakatingin sa malayong daan, umaasang masisilayan ang pagdating ni Popoy… ang anak na kailanman ay di na magbabalik.


Ako si Popoy…

Alam kong habang binabasa mo ito, ay alam mo na ang kwento ko at aking mga pinagdaan. Ikaw na ang humusga kong ako’y isang biktima o ako’y isang Kriminal. Wala rin namang mangyayari dahil alam kong ako’y hanggang dito na lamang… 

Sa loob ng silid na ito, ginugol ko ang mga natitirang panahon ko na maiparating ang aking kwento. Umaasang kahit dito man lang sa liham kong ito, ako ay mapansin nyo.

Lumalalim na ang gabi! Isa-isa nang nagpapatay ng mga ilaw ang mga karatig kwarto sa loob ng lumang gusaling ito, maliban sa aking silid sa pinakadulo ng pasilyo sa ika-apat na palapag. Kailangan kong magmadali habang naiilawan pa ng isang lumang lampara na aandap-andap ang lugar na ito.

Nagkalat ang mga gamit sa sahig, may mga basag na bote, karayom, kandila at iba pang mga kagamitan na animo pang medisina ngunit balewala lang sa akin ang lahat ng ito. Hindi ko na inayos, o nilinis man lang, para ano pa? Sa ilang sandali, iiwan ko rin naman ang silid na ito.

Ang tahimik na ng paligid, tanging tunog lamang ng pagkiskis ng aking panulat sa kaawa-awang papel ang maririnig. Mariin, ako’y nagmamadali, walang habas ang aking kamay na walang awang sumusulat ng aking mga saloobin, hinaing at paghihirap… ang itim na tinta ay nahaluan na ng pulang likido na umaagos sa aking pulso…

Bago ako mawalan ng lakas, nais ko humingi ng tawad, sa aking ina, at sa mga biktima ng aking panulat…

Hanggang dito na lamang ang aking kwento…

Popoy…


At tuluyang binalot ng dilim ang buong silid… Ika-apat na Kabanata!



Epilogo…

Sa isang burol, hawak ng isang naghihinagpis na ina ang lumang papel na halos gutay-gutay na. Sa paulit-ulit na pagbasa nya dito, wala syang ibang nararamdaman kundi galit at pagdadalamhati.

Mangilan-ngilang kamag-anak ang nakikiramay, ngunit ang mga kamag-aaral ni Popoy ay halos naroon lahat. Sa halip na matuwa, higit ang paghihinagpis ng inang nangungulila sa anak…

“Kayo! Kayo ang pumatay sa anak ko! Kayong lahat!!!!” Habang hawak nyang mahigpit ang papel sa tiklop na palad… “Anong ginawa nyo sa kanya… masdan nyo ang ginawa nyo kay Popoy…”  Kayo ang naglagay sa kanya sa kahong ito!!!!!!

Sa lupon ng mga batang kamag-aaral ni Popoy na nakikiramay, naroon si Mac ang matabang batang lalaki, ang tropa ng limang kabataan, at si Ginoong Moreno na di mapakali…

Isang sandali pa at nagdatingan ang mga pulis… at sa isang iglap, nabalot ng nagkikislapang ilaw ng kamera ng mga mamamahayag ang dating madilim na mundo ni Popoy.



W*A*K*A*S


Ito ang aking lahok para sa BAGSIK NG PANITIK 2013 ng Damuhan: Blog ng Pinoy, Tambayan ng Pinoy.


79 comments:

  1. Replies
    1. Walang anuman... isang karangalan ng Unplog ang mapalahok sa iyong pakontest Bino.

      Delete
    2. Salamat! Goodluck sa entry natin! 😀

      Delete
  2. This comment has been removed by the author.

    ReplyDelete
  3. Ang galing, as in!!!

    Hands down po sa gawang ito.

    ReplyDelete
    Replies
    1. Salamat sa pagtitiyagang magbasa ng gawang ito. :)

      Delete
  4. Mahusay super M.Nadala mo ako sa malinis at magandang takbo ng istorya!
    Goodluck para dito!

    ReplyDelete
    Replies
    1. Salamat Jay Rulez! Gawa ka na ng entry mo! Hehe

      Delete
  5. Madugo. -_- Ang galing. Nanghina ako dito. HAHAHAH!

    ReplyDelete
    Replies
    1. Salamat sa madugong pagbabasa hahaha! Pahinga ka muna para makabawi ka ng lakas! Hahaha!

      Delete
  6. Wish you luck sa contest... galing...

    ReplyDelete
  7. Bludeeeeh! ahahaha. galing good luck po :)

    ReplyDelete
  8. This comment has been removed by the author.

    ReplyDelete
  9. Psycho-ish ang atake Kuya Mar?
    kakatakot naman... :(

    ReplyDelete
  10. ang ganda ng setting ng istorya ko... isa sa mga ganitong istorya ang pumupukaw sa akin hahaha..

    goodluck!! aja!!!

    ReplyDelete
  11. grabe ang brutal!
    ganda ng pagkakasulat
    biktima si popoy pero ang masama ay nilagay niya sa kamay ang batas!
    grabe ang scenarios
    thumbs up mukang for the win to ahh

    ReplyDelete
    Replies
    1. brutal ba MEcoy? hahaha

      Dami pa di nagsa-submit, I'm sure mas magaganda pang entries na darating kaya steady lang hahaha

      Thanks Anyway!

      Delete
  12. akala ko another 44th floor, di naman pala. ;)

    sana walang popoy sa totoong buhay, sana rin walang mac at walang kabataang mapanukso at mapanglait at sana walang ginoong moreno na mapagsamantala sa kahinaan ng isang tao. pero dahil ito ay reyalidad ng mundo, sana maging matatag tayo, pilitin nating labanan ang lahat ng pasakit at pagsubok ng buhay, wag tayong maging popoy at lalong wag tayong maging mac at ginoong moreno sa ibang tao.

    good luck sa entry superM!

    ReplyDelete
  13. Waah Kuya Mar! blood and gore pala ito pero napakaganda at mahusay mong naisulat. Parang ung mga napapanood ko sa mga indie films/documetaries.

    Goodluck!

    ReplyDelete
    Replies
    1. Salamat! Kausap lang kita sa twitter andito ka na pala sa lungga ko hahaha!

      Uy, sali ka din. Gawa ka na ng entry mo!

      Delete
    2. hahaha, isa na ako sa bagong follower ng lungga mo :D

      yep, i'm currently doing my entry. hopefully, mai-submit ko na sya soon!

      Delete
    3. Bilisan mo na! Hahaha excited ako sa fantasy na yan!

      Delete
  14. kakaiyak naman ang story mong eto at may aral.thumbs up ako sa yo. Good luck!

    ReplyDelete
  15. Hanep, iba ang arrive ng BNP entry mo ngayon ah, may thrill! Mukhang nakakaamoy ako ng panalo! Nabasa ko ito kagabi pero diko matapos-tapos kaya binalikan ko. Sabi ko nga sa twitter, di ako nakatulog, kasi may pagka-morbid o sensitive ang mga pangyayaring inilahad mo dito pero asahan mo, mahusay ang pagkakahabi mo ng iyong akda! May mga di gaanong payak na salitang nabanggit pero maayos at angkop ito sa bawat pangungusap na bumubuo dito. Sa bawat bigkas ng mga kataga tila hinahatak ang emosyon at ang lalim ng imahinasyon ng sinumang makakabasa. Pag dika nanalo, ewan ko nalang!

    ReplyDelete
    Replies
    1. Ayoko umasa, maraming magagaling na entries... pero salamat sa magandang review mo sa aking akda...

      Teka lang... asan na ang Entry mo?

      Delete
    2. Hindi ako sasali e. Sabaw :P

      Delete
    3. Ganon ba? Sayang, akala ko gagawa ka ng mala pocketbook serye mo... Pwede pa humabol!

      Delete
  16. speechless ako. ang ganda ng storya. really work of art.

    ReplyDelete
    Replies
    1. Salamat Mr. Cy!

      Gawa ka na ng entry mo hehe

      Delete
  17. Muntik ko ng hindi ituloy ang pagbabasa, ang gruesome naman kasi, haha. Pero ang galing. And I like the twist sa ending! Goodluck! :D

    ReplyDelete
    Replies
    1. Hahaha, buti itinuloy mo pa din! Salamat sa pagbasa ng entry ko!

      Delete
  18. Naging kriminal si Popoy dahil na rin sa karanasan gawa ng mga tao. Tsk! Tsk!

    Husay! Good luck!

    ReplyDelete
  19. Very dark. As dark as the background of your site. Goodluck.

    ReplyDelete
  20. Aray ko! Ang sakit...ng dinanas ni popoy... Congrats!

    ReplyDelete
  21. Sa thursday, mag iiba ang mga names ng entry mong ito Super Mario, iibahin ko na rin ang title! "iyak ng panulat". Oha! ;)

    Good job kuya Mar! ;) Thumbs up!

    ReplyDelete
    Replies
    1. Hahaha, iibahin talaga? Kailan ka magsubmit? Asan na entry mo?

      Thanks! At dalawang beses ka pa nagcomment ha! Hahaha!

      Delete
    2. Chineck ko ulit ngayon. Baka nag bago na ulit e. Hahaha! Wala pa namang anomalya sa ngayon. ;)

      Delete
    3. Loko! Binabantayan mo talaga ako ha! hahaha... bukas andyan na si basha sa kwento haha

      Delete
  22. Such a competitive entry. Very nice! Ang titindi ng mga katunggali ko hahaha..

    By the way, Sir Mar, this is the first time I visited your blog..hehehe..kaka-add ko lang sa'yo kasi kagabi

    Hope you can do the same for me too. Good luck sa mga entry natin..masarap lang basahin ng basahin ang mga entry - hehehe

    ReplyDelete
    Replies
    1. Thank you Sir Jay, for following Unplog...

      Goodluck sa entry natin haha... nakaka inspired entry nyo, at ang ganda ng kalabaw!

      Delete
  23. Ang ganda nito. Daming dugo. brutal. May gahasaan at patayan portion pero sa huli biglang may twist. Biktima si Popoy!

    Thumbs up dito. Pagnanalo to man libre ka ah :P

    ReplyDelete
    Replies
    1. hahaha... morbid ba?

      At pag ikaw nanalo, man libre ka din deal?

      Delete
  24. klap! klap! Love the blood!!!!!

    Ibang klaseng twist sa kwento at ibang klase yung atake sa pagsasaad ng pangyayari.

    Yung parang pang horror/gore story... pwede tong pangpilikula in terms of twisted plot!!!

    You already!!!!!! as in!

    ReplyDelete
    Replies
    1. Love mo din ang blood??? Pareho tayo hahaha

      Salamat sir, sa magandang comments... marami pang entries na magaganda, kasama na kayo don!

      Yong mapasali lang sa Pakontes ng Damuhan eh isang karangalan na.

      Goodluck sa entry natin!

      Delete
  25. Wow naman hebigat. Super bloody. Medyo nakakaloka lang pero thumbs up!!:-D

    ReplyDelete
  26. karumal dumal ang ginawang paghihiganti ni popoy sa pamamagitan ng pagsusulat..pero kawawa pa rin sya..

    good luck kuya Mar :)

    ReplyDelete
  27. it's 3AM. I'm sick and reading your entry... mixed feeling... nakakatakot... nakaka-awa... nakakagimbal... nakaka-kilabot...nakaka bilib!

    Super M ikaw ba yan? Luv u na talaga! LOL :P Good luck!

    ReplyDelete
    Replies
    1. hahaha, hindi naman lumalala sakit mo sa nabasa mo Ms. B?

      oo ako to! Luv u too! hahahaha

      Delete
  28. Ilang Popoy ba ang pumasok sa paaralan at lumabas na yurak ang pagkatao, hindi nag iisa si Popoy sa mundong ito hanggat may Mac, limang estudeyante at G. Moreno. Maraming nangyayari sa pagpasok sa paaralan, mga bagay na hindi nakikita ng mga sinsasandalan sa labasan....papaano makikita ang mga ito, kung may busal ang mga biktima sa paglabas ng mga ito? Kulang ang lakas ng paningin, pang-amoy, pandinig at pakiramdam upang malaman ang mga sekretong dinadala ng mga "Popoy".

    Ang inakalang madugong paghihiganti ng nilalang ay nagbunga ng pagkaawa at simpatiya sa wakas, kahangahanga ang pagkakasulat ng wakas!

    Puno ng emosyon at dugo na may sariling buhay ang kabuuan ng akda!

    Luha ng Pluma tunay na mabangis!

    ReplyDelete
    Replies
    1. Salamat Inong sa mapanuring komento, isang realidad na nangyayari sa kahit saang paaralan, mga biktina ng bullying o mas masahol pa...

      Ang entry mo ang hinihintay ko haha

      Delete
  29. Goodluck sa inyong mga sumali :)

    ReplyDelete
  30. Morbid ako at pasok na pasok sa panlasa ko to. hahaha

    Ang galing mo gumamit ng mga salita. Ang galing mo magsulat.

    Sabi ko : mas ok na sana kung walang epilogo , pero &&*##@ kinilabutan ako sa ending.

    Isa to sa mga bet ko.

    standing ovation :)

    ReplyDelete
    Replies
    1. Hilig mo rin pala ang Morbid? hahaha

      Salamat Idol! Pag nanalo ka ah! Libre mo ko! hahaha

      Delete
  31. grabe... huling kinilabutan ako bago to ay kay Lualhati Bautista pa, dun sa Dekada '70. But this one is perfectly written! Habang nagbabasa ko, napipicture sa utak ko ang mga pinaggagawa ni at kay Popoy.

    ReplyDelete
  32. Now ko lang din nabasa.... okay ang atake sa entry na ito....

    Congrats kasi pasok sa top 5 ^___^

    Galing mo ^^

    ReplyDelete
  33. Grabeh! Mabait pa rin si Popoy sa kahuli hulian. He's like everybody else, victims of an evil society that we live in. :(

    ReplyDelete

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...