Prologo…
Lumalalim na ang gabi!
Isa-isa nang nagpapatay ng mga ilaw ang mga karatig kwarto sa loob ng isang
lumang gusali, maliban sa isang silid sa pinakadulo ng pasilyo sa ika-apat na
palapag. Naiilawan lamang ng isang lumang lampara
na aandap-andap ang loob nito. Nagkalat ang mga gamit sa sahig, may mga basag
na bote, karayom, kandila at iba pang mga kagamitan na animo pang medisina. Tanging tunog lamang ng pagkiskis ng panulat
sa kaawa-awang papel ang maririnig. Mariin, nagmamadali, walang habas ang kamay
na walang awang sumusulat ng kanyang mga saloobin, hinaing at paghihirap… ang
itim na tinta ay nahaluan na ng pulang likido na umaagos sa kanyang pulso…
Krinnnggggggggg!
Hindi
mapakali si Popoy sa kanyang kinauupuan, malapit na ang kanilang pagsusulit
ngunit hindi nya makita ang kanyang lapis. Halos baligtarin at itaktak na nya
ang laman ng kanyang bag ngunit wala pa rin syang makita kahit isang lapis man
lang.
“Ito
ba ang hinahanap mo?!” Si Mac, ang
kakalase niyang pinakamalaki sa kanila. May katabaan itong taglay na
maikukumpara mo sa isang barakong
baboy na di mapakali at di hamak na mas matangkad sa kanilang lahat. Hawak-hawak
ni Mac ang kanyang lapis at inihahagis palipat-lipat sa kanyang mga kamay.
”Lapis
ko yan, nag-iisa na lang yan kaya ibigay mo na sa kin Mac…” mangiyak-ngiyak na
wika ni Popoy.Tinangka nyang agawin ang lapis ngunit di nya maabot dahil agad
itong itinaas ni Mac.
Makukuha
mo lang ito kung ibibigay mo sa akin ang baon mo. Ikaw rin!! Wala kang lapis! Ang may
pang-aasar pang wika ni Mac.
Nagdadalawang
isip si Popoy kung ibibigay ba nya ang baon nya… “Di bale nang magutom… basta
makuha ko lang lapis ko para sa pagsusulit…”
Ganyan!
Madali ka naman palang kausap! Oh ayan na lapis mo… sabay malakas na binali ito
at ibinigay kay Popoy… Bago tuluyang umalis si Mac, binantaan pa nya ito! At
isang bigwas sa sikmura ang ibinigay nya kay Popoy bago nagmamadaling
tumalikod.
Naiwan
si Popoy na namimilipit sa tinamong suntok sa kanyang sikmura. Napaluhod sya sa
panghihina…tahimik na lumuha…
Nanginginig
ang katawan sa takot… habang mahigpit na hawak sa kanyang dalawang kamay ang
putol na lapis… Sa kuyom na palad, inilabas ni Popoy ang kanyang hinagpis.
Tik Tak To…
Popoy Payatot labas ang Kuyukot! Popoy Payatot labas ang
Kuyukot! Ito ang maririnig na sigaw ng kanyang mga kaklase habang nag lalakad
si Popoy sa pasilyo ng kanilang eskwelahan.
“Payatot! Takpan mo
Kuyukot mo! Lampa-yatot!” May humahatak ng kanyang damit, halos masira na ang
unipormeng luma na araw-araw nyang nilalabhan. May tumutulak sa kanya, may
sumasabunot! Habang patuloy ang pagsigaw ng mga ito sa kanya!
Popoy Payatot! Labas ang
kuyukot! Ang naririnig pa nyang pahabol na sigaw ng mga kaklase na
nagtatawanan…
Yuko ang ulo, akap-akap ng mahigpit ang
kanyang mga libro. Halos patakbo nyang tinungo ang tarangkahan ng kanilang eskwelahan. Wala s’yang ibang nasa isip kundi ang makaalis sa lupon ng mga
estudyanteng nagkakatuwaan at walang ibang ginawa kundi sya ay paglaruan…
Lakad,
takbo… gusto nyang takasan ang pangungutya ng mga kaklase.
Lakad,
takbo…kahit walang kasiguruhan kung saan sya tutungo.
Lakad,
takbo… habang nakatakip ang kanyang mga kamay sa kanyang tenga, di alintana ang
mga nakakasalubong nya sa daan. Hanggang abutin sya nang pagod sa paglalakad at
napaupo sa bangketa.
Tahimik
na namang umiiyak si Popoy, walang malakas na pagtangis, tanging pagpatak lang ng
luha sa kanyang mga mata ang palatandaan na ito ay naghihinagpis.
Nanginginig
ang katawan sa takot… habang mahigpit na hawak sa kanyang dalawang kamay ang
nilamukos na papel… Sa kuyom na palad, inilabas ni Popoy ang kanyang hinagpis.
Ding! Dong!!!
Puta ka Popoy! Puta ka!
Ahhhh….Puta kang bata ka!!!! Ito ang lumalabas sa bibig nang baklang guro ni Popoy habang patuloy
sya nitong ginagahasa. Halos panawan sya ng ulirat sa pambababoy nang inakala
nyang magtatanggol sa kanya. Mala-demonyong hayok sa laman ang nagpapasasa sa
kanyang murang katawan.
Kung alam lang ni Popoy
na ganito ang kasasapitan nya, hindi na sana sya humingi ng tulong dito. Hindi na
sana sya kumatok sa pintuan ng opisina ni Ginoong Moreno para magsumbong ng kanyang
kalagayan.
Hindi ka magsusumbong
Popoy sa kahit sino, tandaan mo yan!!! Tatanggalin ko sa paninilbihan sa akin
ang nanay mo at sisiguraduhin kong sira ang reputasyon nya na wala nang gustong
magtiwala sa kanya, sa inyo! Pupulutin kayo sa kangkungan at lansangan pag
nagsumbong ka! Kaya manahimik ka na lang!!!
Umaagos sa binti ni
Popoy ang dugo dahil sa napunit na laman sa kanyang likuran. Luha at sipon ay
naghalo na dahil sa pahirap na kanyang natamo… Wala syang magawa, hindi kaya ng
utak nyang tanggapin ang mga nangyayari sa kanya…
Nanginginig
ang katawan sa takot… habang mahigpit na hawak sa kanyang dalawang kamay ang
nilamukos na papel at putol na lapis… Sa kuyom na palad, inilabas ni Popoy ang
kanyang hinagpis.
Nag-iisa,
laging malungkot, walang kasama, walang gustong makipagkaibigan. Nabalot ng
tila maiitim na usok ang kabataan ni Popoy. Tuluyan na niyang isinara ang
kanyang sarili sa mga taong nakapaligid sa kanya. Hanggang ang buong mundo ni
Popoy ay nabalot na ng dilim…
Wala
nang Popoy na makikita sa eskwelahan, wala nang Popoy na namimilipit sa daan sa
bugbog na natamo sa kaklaseng si Mac, wala ng maririnig na sigawan ng pang
aalipusta ang aalingawngaw sa bulwagan ng kanilang eskwelahan at higit sa
lahat, wala ng Popoy na pagsasamantalahan.
Tenement…
Isang gusaling ipinatayo
ng Gobyerno para sa mahihirap. Siksikan, marumi ang paligid… maya’t maya ay may
nagtatapon ng tubig sa bintana. Maraming nakasampay na damit sa gilid ng
pasimano… nagmukhang parang banderitas sa piyestahan ang dating magarang
gusali. Iba’t –ibang tao, kanya-kanya ng pinagkakaabalahan… bawa’t isa ay may
sariling mundo na ginagalawan.
Sa ikaapat na palapag ng
gusali ay may isang bakanteng kwarto sa dulo ng pasilyo na kinatatakutan.
Walang umuupa o yong iba na sumubok ay hindi nagtagal. Marami daw kababalaghan
at katatakutan ang kanilang naranasan kaya walang tumatagal sa kwartong ito.
Maliban sa isang nilalang…
Hapis
ang mukha… ang mata na halos napapaligiran ng maitim na marka tanda ng
kakulangan ng tulog ay nag-aapoy sa galit, buto’t balat na halos sa nipis ang
kanyang katawan… Ngunit may lakas na nag-uumigting, gigil na gustong kumawala
at maghiganti!
Isang piping saksi ang
apat na sulok ng kwartong iyon sa krimen na magaganap.
Isang matabang batang
lalaki, nakataling parang baboy na lilitsunin. May pasak ng maruming basahan sa
bibig. Nanalalaki ang mata sa takot, sa gulat sa taong nasa kanyang harapan
ngayon… Pinilit na kumawala ni Mac sa pagkakatali ngunit napakahigpit nito.
Sinubukan nyang magpagulong-gulong sa sementong nasasapinan ng mga lumang peryodiko ngunit hindi sya makakilos.
Dahan-dahang lumapit sa
kanya ang nilalang na kanina pa nagmamasid kay Mac. “Natatandaan mo pa ba ako Mac?”
ang tanong nito na walang emosyon ngunit sapat upang maramdaman ang tinitimping
galit.
Itinapat ng lalaki sa
mukha ni Mac ang hawak nya sa kanyang kamay… “Ito Mac, natatandaan mo pa ba?”
Sunod-sunod na tango ang ginawa ni Mac bilang tugon… putol na lapis… at
isa-isang nagbalik sa kanyang ala-ala ang mga kasalanang ginawa… ngunit huli na
para mag-sisi!
Sa isang iglap, nakatarak
na sa kaliwang mata ni Mac ang kaputol ng lapis… “hmmp!! Hmmp!!! Ang daing nito
habang sumisirit and dugo mula sa kanyang mata…
Hindi pa sya nakakabawi sa
sakit na nararamdaman ay muling naramdaman nyang unti-unting dinudukot ang
kanyang kanang mata. Matinding pagpupumiglas ang ginawa ni Mac ngunit ang
higpit ng tali ay di man lang natinag. Ilang sandali pa ay may gumugulong ng
mata sa sahig.
“ahhmmp!! Hmmppp!!! Ahhhmpp!!! ang ungol ng unti-unting
nawawalan ng lakas na si Mac… At hindi doon natatapos ang kanyang paghihirap.
Hawak ang isang bakal na
pang dikdik ng yelo, inundayan ng saksak ng nilalang ang matabang katawan ni
Mac. Sunod-sunod, walang humpay, sa bawa’t angat ng bakal ay syang pagtilamsik
ng dugo ni Mac na kumakalat sa buong silid.
Nanginginig
ang katawan sa galit… mahigpit ang hawak sa kapirasong bakal… at sa kuyom na palad,
inihain ang paghihiganti.
Mariin, nagmamadali,
walang habas ang kamay na walang awang sumusulat ng kanyang mga saloobin,
hinaing at paghihirap…: Unang Kabanata!
Tambakan…
Isang bakanteng lote sa
tabi ng Mataas na Paaralan ng San Vicente. Tapunan ng basura, pinaninirahan ng
ibat-ibang insekto, tambayan ng mga adik sa gabi… masukal, matalahib, isang
munting gubat sa siyudad na pinamumugaran ng kakaibang ahas… Ahas ng lipunan.
Nagising ang grupo ng
limang kabataan sa buhos ng likido na pumapatak sa kanilang mukha. Dahil sa
kalasingan at tama ng droga, wala silang lakas para bumangon. Bangag at dilat
ang mata sa kawalan. Suot pa ang puting uniporme ng kanilang eskwelahan.
Mistula silang buhay na patay sa kanilang kalagayan. Sa bawat buhos ng gasolina
sa kanilang katawan, dagdag tama sa kanilang lutang na diwa.
Sa kakarampot na liwanag
na nagmumula sa poste ng Meralco sa di kalayuan, maaaninag ang mukha ng
nilalang.
Hapis
ang mukha… ang mata na halos napapaligiran ng maitim na marka tanda ng kakulangan
ng tulog ay nag-aapoy sa galit, buto’t balat na halos sa nipis ang kanyang
katawan… Ngunit may lakas na nag-uumigting, gigil na gustong kumawala at
maghiganti!
Dinukot ng nilalang sa
kanyang bulsa ang nilamukos na papel at ang isang posporo. Habang sinisindihan
nya ang papel, nauulinigan pa nya ang pangungutya ng limang kabataang nasa
kanyang harapan, umaalingawngaw, at muling nanariwa ang nakaraan…
Nagsimula ng
magningas ang papel, tanda ng katuparan ng kanyang mga balak.
Iglap na kumalat ang apoy
sa paligid, ang limang kabataan ay mabilis na nilamon ng apoy,
nagpagulong-gulong silang parang alupihan
na binuhusan ng asido, pakiwal-kiwal ang katawan, walang lakas para lumaban…
Muli,
narinig ng nilalang ang sigaw ng mga kabataang ito… hindi sigaw ng pangungutya
at pag-alipusta kundi sigaw ng paghihirap at paghingi ng saklolo… ang tambakan
ay nagmistulang maliit na impyerno, maamoy ang nasusunog na laman… ang palahaw
at iyakan ay nilamon ng ingay ng mga sasakyan sa paligid at ng maingay na
kantahan sa karaoke sa di kalayuan. Walang pakialam ang mga lasing at lango sa
alak sa daan.
Nanginginig
ang katawan sa galit… mahigpit ang hawak sa kapirasong papel… at sa kuyom na
palad, inihain ang paghihiganti.
Mariin, nagmamadali,
walang habas ang kamay na walang awang sumusulat ng kanyang mga saloobin,
hinaing at paghihirap…: Ikalawang
Kabanata!
Plaza…
Tagpuan ng mga nais
maglaro, mamasyal at maglibang. Lugar kung saan halo-halo ang mga klase ng tao
na makikita rito. May matandang nakaupo sa bangko na nakatingin sa malayo, wala
namang tinatanaw.
May mga naguumpukan at nagpupustahan sa larong dama. Mga
kababaihan na naghuhuntahan habang pandalas ang pamamaypay. Mga kabataang
nagpapasikat sa pagsirko na akala mo mga akrobat sa entablado.
May
nagtitinda ng sorbetes sa ilalim ng
punong akasya. May nagtitinda rin ng lobo na makulay. Maging ang kaawa-awang
sisiw na pininturahan ay di rin nakaligtas sa bentahan.
At sa pinakasentro ng Plaza ay ang palaruang pambata. May duyan, siso, padulasan at bahay-bahayan. Napupuno ito
ng tawanan at masasayang tagpo ng mga batang naglalaro dito.
Pag-sapit ng gabi,
nag-iiba ang anyo ng Plaza Ibarra. Ang dating masayang tagpo ay napalitan ng
manaka-nakang ingay ng mga kulisap at kuliglig. Ang mga taong kani-kanina lang
na masayang nagtitipon ay unti-unting nawala na parang bula. Napalitan ng mga
aninong gumagala sa dilim. Takot sa liwanag, nagkukubli sa mga sulok at gilid,
kumakaway…sumusutsot.
Maging ang kalakal at
bentahan ay nagbago rin. Pagsapit ng dilim, katawan, kaluluwa at laman ang
ngayon nga ay nakahain. Sa tamang halaga, sa kakarampot na kita, nagkakatalo na.
Maraming lihim ang Plaza Ibarra, lihim na nagkukubli sa dilim. Ngunit ngayong
gabi ay kakaiba… Iba ang ihip ng hangin, maging ang mga kuliglig ay huminto sa
kanilang pag-iingay. Tila napahiya sa maaring maganap maya-maya lamang.
Abala si Ginoong Moreno sa
biktima nya ngayong gabi. Ito ang mga tipo nya, bata-batang, tahimik at
misteryoso ang dating. Nagkasundo sila sa presyong pang sampung kilo ng bigas.
At ngayon, handa nyang angkinin ang kapalit ng kwartang binitiwan.
Sa isang mabilis na kilos,
swabeng swabe na gumuhit ang matalas na labaha sa lalamunan ni Ginoong Moreno.
Napahawak sya sa sugat na inaagusan ng masaganang dugo. Sinubukan
nyang magsalita ngunit walang lumabas na tinig sa biyak nyang lalamunan.
Tanging tunog lamang ng hanging galing sa sugat sa kanyang leeg ang lumalabas
dito. Parang manok na ginilitan, unti-unting nawalan ng lakas, sa mala gripong
pag-agos ng dugo sa kanyang lalamunan.
Sa gitna ng dilim, kumislap
ang matalim na labahang hawak ng nilalang. Handang manalasa, handang magpataw ng
sugat na hihiwa sa kabuktutan ni Ginoong Moreno. Sa wasiwas ng kamay ng nilalang, katumbas
nito ay ibayong sakit at parusa. Walang sinayang na sandali, ibinigay ng
nilalang ang pang huling atake.
Walang buhay na tumumba si
Ginoong Moreno, parang puno ng saging na tinagpas, nakahandusay, bumagsak at ini-ugoy ng pangbatang duyan.
Nanginginig
ang katawan sa galit… mahigpit ang hawak sa labaha at sa kapirasong papel,
pinunasan nya ang dugong nagmantsa… at sa kuyom na palad, inihain ang
paghihiganti.
Mariin, nagmamadali,
walang habas ang kamay na walang awang sumusulat ng kanyang mga saloobin,
hinaing at paghihirap…: Ikatlong
Kabanata!
Tahanan…
Isang istrukturang gawa ng
tao… may dingding na gawa sa pinagtagpi-tagping karton. Bubungan na yari sa
yerong butas-butas. Sahig na lumang kahoy na pinagdikit-dikit. May bintanang
di-tukod at nakatali lamang, hagdanang kulang sa baytang at pintuang walang
tarangkahan.
Sa loob nito ay may isang
Ina na di mapakali, bakas sa mukha ang labis na paghihirap at pag-aalala.
Naghihintay sa anak na halos isang lingo nang di umuuwi.
“Popoy, asan ka na… umuwi
ka na anak!” Ang panaghoy ng isang Ina… Nakadungaw sa bintana, nakatingin sa
malayong daan, umaasang masisilayan ang pagdating ni Popoy… ang anak na
kailanman ay di na magbabalik.
Ako
si Popoy…
Alam kong habang binabasa
mo ito, ay alam mo na ang kwento ko at aking mga pinagdaan. Ikaw na ang humusga
kong ako’y isang biktima o ako’y isang Kriminal. Wala rin namang mangyayari
dahil alam kong ako’y hanggang dito na lamang…
Sa loob ng silid na ito, ginugol
ko ang mga natitirang panahon ko na maiparating ang aking kwento. Umaasang
kahit dito man lang sa liham kong ito, ako ay mapansin nyo.
Lumalalim na ang gabi!
Isa-isa nang nagpapatay ng mga ilaw ang mga karatig kwarto sa loob ng lumang gusaling ito, maliban sa aking silid sa pinakadulo ng pasilyo sa
ika-apat na palapag. Kailangan kong magmadali habang naiilawan pa ng isang
lumang lampara na aandap-andap ang lugar
na ito.
Nagkalat ang mga gamit sa
sahig, may mga basag na bote, karayom, kandila at iba pang mga kagamitan na
animo pang medisina ngunit balewala
lang sa akin ang lahat ng ito. Hindi ko na inayos, o nilinis man lang, para ano
pa? Sa ilang sandali, iiwan ko rin naman ang silid na ito.
Ang tahimik na ng paligid,
tanging tunog lamang ng pagkiskis ng aking panulat sa kaawa-awang papel ang
maririnig. Mariin, ako’y nagmamadali, walang habas ang aking kamay na walang
awang sumusulat ng aking mga saloobin, hinaing at paghihirap… ang itim na tinta
ay nahaluan na ng pulang likido na umaagos sa aking pulso…
Bago ako mawalan ng lakas,
nais ko humingi ng tawad, sa aking ina, at sa mga biktima ng aking panulat…
Hanggang dito na lamang ang
aking kwento…
Popoy…
At tuluyang binalot ng
dilim ang buong silid… Ika-apat na
Kabanata!
Epilogo…
Sa isang burol, hawak ng
isang naghihinagpis na ina ang lumang papel na halos gutay-gutay na. Sa
paulit-ulit na pagbasa nya dito, wala syang ibang nararamdaman kundi galit at
pagdadalamhati.
Mangilan-ngilang
kamag-anak ang nakikiramay, ngunit ang mga kamag-aaral ni Popoy ay halos naroon
lahat. Sa halip na matuwa, higit ang paghihinagpis ng inang nangungulila sa
anak…
“Kayo!
Kayo ang pumatay sa anak ko! Kayong lahat!!!!”
Habang hawak nyang mahigpit ang papel sa tiklop na palad… “Anong ginawa nyo sa kanya… masdan nyo ang ginawa nyo kay Popoy…” Kayo ang naglagay sa kanya sa kahong ito!!!!!!
Sa lupon ng mga batang
kamag-aaral ni Popoy na nakikiramay, naroon si Mac ang matabang batang lalaki,
ang tropa ng limang kabataan, at si Ginoong Moreno na di mapakali…
Isang sandali pa at
nagdatingan ang mga pulis… at sa isang iglap, nabalot ng nagkikislapang ilaw ng
kamera ng mga mamamahayag ang dating
madilim na mundo ni Popoy.
W*A*K*A*S