Thursday, November 15, 2012

Waiting Shed...


May mga bagay na nangyayari sa buhay natin na mahirap ipaliwanag... karanasan na di kayang ipahayag at isa tinig at nanatiling naka kubli... 



Kailangan mo ba ng masisilungan? Halika... 


Sa bayan ng Sta. Inez ay may isang liblib na baryo na hindi kilala at mahirap puntahan. Sa kadahilanang ang daan dito ay hindi pa sementado kaya walang sasakyan ang nakakapasok sa lugar na ito. Mahirap ang daan lalo na kung tag-ulan. Lagpas bukong-bukong ang putik at talaga namang mahihirapan ang sinumang maglalakad sa may kalalimang malagkit na lupa. Karamihan sa mga taga roon ay nasanay na sa ganoong sitwasyon. Kaya naman pangkaraniwan na lang sa kanila na tawirin ang putikan, sapa at ilog at may dalawang kilometrong kagubatan bago marating ang bahayan. Maging ang teknolohiya ay tila nahihiya at di makarating o makasilip man lang sa lugar na iyon. Wala pang kuryente at tanging ilaw lamang sa gasera na ginatungan ng langis ng niyog ang nagsisilbing tanglaw pag-sapit ng gabi. Sinumang baguhan na dadayo rito ay mahihirapan kung hindi sanay sa ganitong pamumuhay.

Isa lang ang palatandaan kung nais mong magtungo sa baryong ito na kung tawagin ay Pulanggi. Ang lumang Waiting Shed… Mula sa town proper ng Sta. Inez,  mahigit isang oras maglalakbay ang dyip na iyong sasakyan. Tandaan mo, hindi ka dapat abutan ng dilim sa kagubatan.

Concepcion, Concepcion! Lima na lang! Paalis na!! Napukaw ng barker ang aking pagmumuni-muni. Marahil ito na yong dyip na sasakyan ko. Manong, dadaan ba yan sa bukana ng Baryo Pulanggi? Hindi agad ako sinagot ng Barker. Kung kani-kanina lang ay panay ang ratsada ng bunganga nito, ngayon naman ay biglang nanahimik at tiningnan ako mula ulo hanggang paa. Animo sinusuri kung nasa tamang katinuan ang nasa kanyang harapan. Sakay!! Ang may diin nyang tugon… Agad akong umakyat sa dyip. Nakiraan sa mga pasaherong andon na halos ayaw patinag o umusog man lang. Idagdag pa ang mga bagahe nilang kalakal na nakakapag-pasikip ng maliit na ngang espasyo sa loob. Ilang sandali pa, puno na ang dyip. Maging ang bubungan ay ginawa na ring upuan ng mga pasahero. Kinabahan ako kung kakayanin ba ng medyo may kalumaang sasakyan ang bulto ng dami ng pasaherong kasakay ko ngayon. Nang magsimula ng umandar, napuno ng maitim na usok ng tambutso ang terminal… at ilang bomba pa ng selinyador… umusad na ng dahan-dahan ang pampasaherong dyip. Sa umpisa, akala mo mauubusan ng hininga ang tunog ng makina ng kaawa-awang dyipni. Nang tumagal, humaharurot na ito sa kalsadang aming tinatahak.

Naaliw ako sa mga magagandang tanawin. Ako lang yata ang halos mabali na ang leeg sa kakatanaw sa mga nakikita kong una sa aking paningin. Gusto ko mang kumuha ng mga larawan, hindi ko mailabas ang aking kamera dahil sa siksikan sa loob ng dyip. Pinagsawa ko na lang ang aking mga mata sa ganda ng lugar na aming nadaraanan. Nanakit na ang aking leeg sa pagmamasid sa labas kaya naman napagtuunan ko ng pansin ang aking mga kasakay… kagaya ng barker sa terminal ng dyip… nahuli ko ang ilan sa kanilang nakatingin sa akin… Baka ngayon lang sila nakakita ng Manilenyo… ang naisip ko na lang na palusot kahit ang totoo ay kinakabahan ako. Hindi ako nagpahalata at umayos ng upo. Dahil sa mahabang byahe, nakaramdam ako ng pagod at antok. Idag-dag pa ang sariwang hangin na sa probinsya mo lamang malalanghap. Isinubsob ko ang aking mukha sa kalong kong backpack, at tuluyan na akong nilamon ng pagod at antok…

Naramdaman kong tumigil ang sinasakyan naming dyip. Agad akong nagmulat at luminga-linga. Napasarap yata ang aking tulog… Asan na ba ako sa isip-isip ko lang. Pulanggi na!! Yong bababa patungong Pulanggi dito na lang!! Sigaw ng driver sa tonong galit at nagmamadali… Pakibilisan lang ho at baka abutin tayo ng dilim dito!!  Atubili akong bumaba dahil walang bahayan akong nakikita sa paligid. Habang bumababa ako, nagbubulungan ang aking mga kasakay. Di ko maunawaan at sigurado akong ibang lenggwahe ang kanilang binibigkas. Pagkababang-pagkababa ko ay humarurot muli ang sinakyan kong dyip habang nanunuri ang tingin ng mga kasakay ko habang palayo ang sasakyan. Tingin na parang may kinatatakutan. 

Naiwan akong nakatayo sa gitna ng rough road… Tanging tunog ng kuliglig ang aking naririnig. Iginala ko ang aking paningin at hinanap ko ang waiting shed na tanging palatandaan ko upang makarating sa pinaka-pusod ng baryo. Di naman ako nahirapang maghanap dahil sa di kalayuan ay natanaw ko ang isang lumang waiting shed. Dagli akong lumapit dito. 

Isang tipikal na bahay silungan ang aking nadatnan. Walang dingding ang paligid nito. Tanging dalawang malaking troso ng punong kahoy ang pinagdikit at itinali ang dalawang dulo nito paakap sa magkatapatang posteng kahoy upang gawing upuan. Maagiw at may mangilan-ngilang butas sa bubungang gawa sa dahon ng niyog. Kapansin-pansin ang isang pares ng bakas ng paa na maaninag sa maalikabok na lupa. Paharap sa kalsadang aking pinanggalingan ang bakas. Kung iisipin, parang may hinihintay ang taong may ari niyon. At nakadagdag pa na walang ibang bakas o palatandaan na natinag man lang sa kanyang kinatatayuan. Weird! Hindi kaya dumating ang kanyang hinihintay? Hmmm. pwede rin! Ang galing ko talagang mag-bigay ng kahulugan sa mga bagay-bagay sa paligid ko. Ito marahil ang dahilan kaya andito ako ngayon. Napatawa ako ng mahina sa isiping iyon...

Karatig ng waiting shed ay ang daang halos natatakpan na ng mga damong ligaw. Ito siguro ang daan patungo sa pusod ng gubat kung nasaan ang Pulanggi. Naala kong muli ang bilin... “wag kang magpapaabot ng dilim sa kagubatan”…  Isang malalim na buntong hininga ang aking pinakawalan… Ngayon pa ba ako dadagain? Ang layo na nang aking narating, ngayon pa ba ako matatakot? Lumingon ako sa kalsadang aking pinanggalingan... kung babalik ako, wala naman yata akong masasakyan pauwi o matatagalan akong maghintay sa susunod na sasakyan. Wala naman akong ibang pagpipilian kaya sige, Kaya ko to!

Ito na yon… wala ng atrasan! At nagsimula na akong humakbang...


Itutuloy (pag sinipag magsulat)

23 comments:

  1. Nakaka suspense naman... iniisip ko kung ano na ang susunod na mangyayari... iniisip ko kung anong kababalaghan ang magaganap

    Nice ^_^

    ReplyDelete
    Replies
    1. salamat sa pagti-tyagang magbasa... ^_^

      Delete
  2. Larawan ang bayan ng Sta. Inez sa napakaraming lugar dito sa Pilipinas, mas maayos siguro na imbes na sanayin sila sa ganoong pamumuhay ay iparanas sa kanila ang mga pangunahing pangangailangan na nararapat lamang sa kanila.

    Nanyayari nga na may gusto kang kuhanan pero tila ayaw pakuha ng gusto mong "picturan", nakakalungkot man at nakakadismaya tanggapin nalang natin siguro na may mga bagay na pang-mata lamang.

    kabanapanabik ang susunod na mangyayari, ano kayang mangyayari sa pagsuyod sa kagubatan.

    ReplyDelete
    Replies
    1. Tama ka dyan, at sa darating na eleksyon, magpapabango na naman ang mga politiko at sana maambunan man lang ang mga lugar gaya ng Sta. Inez...

      Tama ka na naman uli... may mga bagay na sadyang pang mata lang "for your eyes only" at kahit anong gawin mong kodak ay di tinatalaban

      Ano nga ba gagawin nya sa gubat at anong meron doon? Ewan ko lang...

      Delete
    2. sana huwag lang ambon ang makarating sa Sta.Inez kung kaya ulan ang kailangan!

      naaalala ko tuloy ang naranasan namin sa bundok ng Makiling, nakakakilabot nangyari sa mga dalang Camera namin

      haha dapat alam mo na haha

      Delete
    3. pwede ring bagyo haha

      bakit? anong nangyari? walang imaheng lumabas o may nakunan kayong kakaiba

      hahaha oo nga naman dapat alam ko na... alam ko nga ba? haha

      Delete
    4. blurred lahat, tapos pagdating sa bandang mga mukha namin wala talagang lumilitaw pero nung nasa hotel na kami ayos naman yung mga dala naming camera, nakakakilabot nga e. pati phone ko nun nasira pagdating namin sa taas. Sabi naman ng mga taga doon, natural lang daw yun dapat daw nag-offer man lang kami ng kahit ano sa bundok. Sayang ang ganda pa naman lalo na sa taas at yung parang liblib na forest na sinuyod namin.

      oo a, kaya dapat may katuloy haha

      Delete
    5. Exciting naman yan... Parang ganyan din yong nangyari sa mga classmates ko nong college, umakyat din sila ng Makiling... since di ako nakasama dahil umuwi ako ng probinsiya namin, excited sila na inggitin ako sa mga pictures nila... ayon wala kahit isa nabuo, kaya tawa ako ng tawa sa kanila... wala silang pang-inggit sa kin...

      wala naman nagbabasa kaya di ko na ituloy haha

      Delete
    6. sabi ko na sayo may sa hiwaga ang Makiling. Tara punta tayo!

      tuloy na yan!

      Delete
    7. Mahiwaga nga... Pero kakayanin kaya ng powers ng Cam ko? Gusto ko subukan... Tara!

      Itutuloy haha

      Delete
  3. Ako kayang mangyayari sa kanya. Kinukutuban ako na nakakatakot ito. haha. Katakot yung paa. Buti at pinutol mo muna. lol Gabi pa naman dito habang binabasa ko to. Kelan ang kasunod? Nagtagal ako sa blog mo dahil pinakain ko pa yung mga isda mo. lol

    ReplyDelete
  4. hindi yana nakakatakot haha..

    Salamat naman at pinakain mo mga isda ko, ilang araw ng hindi pinapakain yan haha

    ReplyDelete
  5. at natakot daw akong bigla...dahil sta.ines ang pangalan ng next barangay after nng sa amin...hehe.

    ReplyDelete
    Replies
    1. naku! Malapit ka lang hehehe... kabilang barangay kamo?

      Delete
  6. Oist bilisan mo yung kasunod Mr. 44th floor! Pasko na nangho-horror ka na naman. Pagbalik ko dito at wala pang Part 2 nyan I'll over feed your fishes mai-impatso yan ha ha ha :P

    ReplyDelete
    Replies
    1. hahaha... Christmas Story kaya sa Pasko na ang kasunod haha

      Delete

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...